Bumulaga ang limang beses na kampeon na si Novak Djokovic sa Indian Wells ATP Masters matapos talunin ng lucky loser na si Botic van de Zandschulp sa kanilang unang laban noong Sabado (Linggo sa Manila).
Hindi nakahanap ng sagot si Djokovic sa matatag na laro ni van de Zandschulp, na nagresulta sa 6-2, 3-6, 6-1 pagkatalo. Gumawa si Djokovic ng 37 unforced errors na nag-ambag sa kanyang maagang pagkalaglag.
“Walang palusot sa ganitong klase ng laro,” aminado si Djokovic, ang 24-time Grand Slam champion. “Hindi maganda ang pakiramdam kapag ganito ka maglaro, pero congrats sa kalaban ko — siguro masamang araw lang para sa akin.”
Ang tagumpay kay Djokovic ay bahagi lamang ng mga bigating panalo ni van de Zandschulp. Matatandaang pinatumba rin niya si Carlos Alcaraz sa US Open noong nakaraang taon at tinalo si Rafael Nadal sa Davis Cup — ang huling laban ni Nadal bago magretiro.
Samantala, matagumpay namang naipagpatuloy ni Carlos Alcaraz ang kanyang kampanya para sa ikatlong sunod na Indian Wells title matapos magwagi kontra Quentin Halys ng France, 6-4, 6-2.
Dahil out na ang top seed na si Alexander Zverev at suspendido ng tatlong buwan si world number one Jannik Sinner dahil sa drug violation, si Alcaraz (world number three) na ngayon ang pinakamataas na seed na natitira sa torneo.
Aminado si Alcaraz na kinakabahan siya sa simula ng laban, pero napawi ito nang makuha niya ang tamang ritmo sa kanyang solidong all-around performance.