Nakita ni DPWH Secretary Vince Dizon ang umano’y “pattern” ng maanomalyang bidding, awarding, at bayaran para sa mga ghost at substandard flood-control projects sa Oriental Mindoro.
Kasama si Gov. Humerlito Dolor, personal na sinuri ni Dizon ang ilang proyekto at nadiskubre ang mga seryosong depekto, kabilang ang flood control sa Brgy. Tagumpay, Naujan na bumigay agad kahit wala pang isang taon matapos maitayo. Dahil dito, ipinahinto niya ang proyekto at nagbanta ng kasong kriminal laban sa mga sangkot na opisyal at kontratista.
Umabot na sa halos 100 reklamo ang natanggap ng DPWH kaugnay ng mga ghost at palpak na flood projects sa buong bansa. Tiniyak ni Dizon na aaksyunan ang mga ito at ihahabla ang dapat managot.
Samantala, sa Misamis Oriental, hiniling naman ng Sangguniang Panlalawigan sa DPWH-Northern Mindanao ang detalyadong listahan ng flood control projects—mula sa pangalan ng contractors, pondo, at status ng mga ito—para masiguro ang transparency at mapigilan ang maanomalyang gawain.