Humiling si Public Works Secretary Vince Dizon sa Department of Justice (DOJ) na maglabas ng immigration lookout bulletin order (ILBO) laban sa kanyang sinundang kalihim na si Manuel Bonoan at anak nitong si Fatima Gay Dela Cruz, gayundin kay Candaba, Pampanga Mayor Rene Maglanque at anak nitong si Macy Monique. Kasama rin sa listahan si Sunshine Bernardo, corporate secretary ng MBB Global Properties Corp.
Ayon kay Dizon, ang kahilingan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos at bahagi ng imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects ng DPWH. Sa isang privilege speech, ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y kaugnayan ng MBB Global sa mga ghost projects at substandard na konstruksyon, kung saan konektado raw sina Bonoan, Maglanque at dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo bilang mga business partner.
Giit ni Dizon, mahalaga ang agarang paglalabas ng ILBO para hindi makalabas ng bansa ang mga iniimbestigahan habang nagpapatuloy ang kaso. Humiling din siya na agad ipaalam ng Bureau of Immigration sa DPWH at mga awtoridad kung may tangka ang mga nabanggit na umalis ng Pilipinas.
