Hihingi ng pahintulot si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Office of the Ombudsman upang maisapubliko ang tinaguriang “Cabral files,” mga dokumentong may kinalaman sa umano’y budget requests at district allocables ng ahensya.
Ayon kay Dizon, nasa kustodiya na ng Ombudsman ang mga dokumento matapos itong isumite ng DPWH bilang pagsunod sa subpoena noong Disyembre 23, 2025, at bahagi na ito ng isang patuloy na imbestigasyon. Aniya, bukas siya sa full disclosure kung papayagan ng Ombudsman.
Ipinaliwanag din ng kalihim na kailangang dumaan muna sa forensic audit ang mga file upang matukoy kung may mga binago o pinakialaman bago ito ihambing sa mga dokumentong inilabas ni Rep. Leandro Leviste, na nagsabing opisyal ang kanyang nakuha.
Mariing itinanggi ni Dizon na pinahintulutan niya ang paraan ng pagkuha ng mga dokumento mula sa opisina at computer ng yumaong DPWH undersecretary na si Maria Catalina Cabral, at nilinaw na district allocations lang ang kanyang inaprubahan na ilabas—na makikita rin umano sa NEP at GAA.
Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Dizon na walang problema sa pagsisiwalat ng mga dokumento, basta’t mapatunayan muna ang kanilang authenticity. Aniya, mahalagang malaman ng publiko kung sino ang humiling ng mga proyekto at saan ito mapupunta.
