Lumabas sa imbestigasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 421 sa mahigit 8,000 flood control projects sa bansa ang “ghost” o hindi talaga umiiral, ayon kay Secretary Vince Dizon.
Sa press briefing ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), sinabi ni Dizon na ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ang nagsagawa ng aktwal na inspeksyon sa mga proyekto—kahit wala pang pormal na kasunduan sa DPWH.
“Malaking bagay na independent groups ang nag-validate. Mas credible ang proseso,” ani Dizon. Dagdag niya, patuloy pa ang nationwide validation upang matiyak na totoo at natapos ang mga proyekto sa ilalim ng flood control program.
Samantala, sinabi ni dating Sen. Panfilo Lacson na ang mga “classified” documents ng DPWH ay nagpapakita ng malawak at sistematikong korapsyon sa mga proyekto ng imprastruktura. “Mas tama sigurong tanungin kung sino ang hindi sangkot, kaysa kung sino ang guilty,” aniya.
Dahil dito, nanawagan si Batangas Rep. Leandro Leviste na ibaba ng 25% ang presyo ng DPWH projects para maiwasan ang mga kickback at makatipid ng hanggang ₱400 bilyon sa kaban ng bayan.
Kasabay nito, ipinasabing iimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee sina dating Speaker Martin Romualdez at dating kongresista Zaldy Co sa susunod na pagdinig hinggil sa umano’y kickback sa flood control projects.