Sumusumpa ang tinaguriang Pares Diva at sikat na social media personality na si Diwata na wala siyang dyowa ngayon.
Totoo raw na may mga dati siyang boyfriend na gustong makipagbalikan sa kanya mula nang sumikat ang kanyang pares business at mapasok siya sa mundo ng showbiz.
Pero sabi ni Diwata, wala muna siyang balak pumasok sa isang seryosong relasyon dahil mas gusto niyang samantalahin ang lahat ng opportunities na dumarating sa buhay niya.
Star na star na talaga si Diwata dahil kahit saan siya magpunta ay pinagkakaguluhan siya at halos lahat ng makasalubong niya ay nagpapa-picture sa kanya.
Mas lalo pa siyang nakilala ng mga tao dahil sa paglabas niya sa teleserye ni Coco Martin sa ABS-CBN na “FPJ’s Batang Quiapo”.
Sa isang event kamakailan, ang first-ever Shift x Chillax VapeFest sa Metrowalk Tent Convention Center sa Pasig City, walang-tigil ang pagpila ng mga naroon para magpa-selfie sa kanya.
In fairness, ine-entertain niya ang lahat ng gustong magpa-picture sa kanya, contrary sa reports na sinusupladahan at dinededma niya ang ibang nais magpalitrato sa kanya.
Ibinalita ni Diwata sa BANDERA nang makachikahan namin sa nasabing VapeFest na may second branch na ang kanyang Pares Overload restaurant na matatagpuan sa Quezon City.
Siyempre, katas daw ito ng kanyang pagsisipag sa negosyo at sa iba pa niyang karaketan, kabilang na ang kinikita niya sa pagiging content creator.
Sa tanong namin kay Diwata kung kumusta naman ang kanyang buhay-pag-ibig, “Actually, ang love life ko ngayon, ang lalaki ko ngayon, parang ano lang, tikim-tikim lang muna.
“Ayoko munang seryosohin ang relationship. Alam n’yo kung bakit? Kasi iniisip ko, baka mamaya, kapag nagdyowa ako ng 2 or 3, bukas, wala akong puhunan, maubos!
“So, feeling ko, habang nagtitinda ako, nagbi-business ako muna, mag-iipon muna ako. Kasi feeling ko, kapag marami ka nang pera, mas marami ka pang lalaki, ‘di ba?” ang natatawang chika pa ni Diwata.