Naglabas ng paalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan sa paligid ng Taal at Kanlaon Volcanoes na maging handang-handa at naka-full alert kasunod ng mga naitalang pagsabog at lindol sa mga bulkan.
Ayon sa DILG, inatasan ang mga LGU na agad i-activate ang kanilang disaster risk reduction and management councils, maghanda ng emergency supplies, at tiyaking ligtas at maayos ang mga evacuation center.
Hinimok din ng ahensya ang mga lokal na opisyal na patuloy na makipag-ugnayan sa PHIVOLCS at sundin lamang ang mga opisyal at beripikadong abiso.
Para sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite, ipinag-utos ng DILG ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda habang nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano matapos ang dalawang phreatomagmatic eruptions noong Oktubre 26.
Ipinagbawal din ang pagpasok sa main crater ng Taal at Daang Kastila fissure, at pinayuhan ang mga residente na magsuot ng N95 mask, iwasang ma-expose sa abo, manatiling hydrated, at ihanda ang kanilang go bags na may pagkain, tubig, gamot, at iba pang mahahalagang gamit.
Binigyang-diin ng DILG na ang maagang paghahanda at pakikinig sa tamang impormasyon ang susi upang maiwasan ang panganib sakaling lumala ang aktibidad ng mga bulkan.
