Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Fire Protection (BFP) na gumamit ng body-worn cameras sa lahat ng fire safety inspections sa buong bansa upang pigilan ang katiwalian at ilegal na gawain ng ilang fire inspectors.
Ayon sa bagong polisiya, kailangang i-record ang buong proseso ng inspeksiyon—mula sa pag-alis sa fire station, biyahe, aktuwal na inspeksiyon ng establisimyento, hanggang sa pagpapaliwanag ng mga findings at pagsauli ng body camera sa himpilan.
Obligado ang mga fire safety enforcer na ipakilala ang kanilang pangalan, ranggo, petsa, oras, lokasyon at uri ng inspeksiyon sa video, at ipaalam sa may-ari o kinatawan ng establisimyento na ito ay nire-record. Maaaring humiling ng kopya ng video ang mga may-ari sa loob ng pitong araw matapos ang inspeksiyon.
Binigyang-diin ng DILG na pananagutin ang sinumang enforcer na hindi magre-record nang walang sapat na dahilan o gagalaw sa footage, na ituturing na misconduct. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagrerekomenda o pagbebenta ng partikular na brand ng fire safety equipment.
Layunin ng polisiya ang mas malinaw na dokumentasyon, pananagutan at patas na pagpapatupad ng fire safety rules, kasunod ng mga reklamong nanghihingi umano ng suhol ang ilang BFP inspectors kapalit ng fire safety clearance. Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, ang hakbang ay para tuldukan ang korapsyon at ibalik ang tiwala ng publiko sa fire safety inspections.
