Hinimok ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang publiko na manatiling kalmado sa gitna ng mga ulat ng posibleng cyberattacks mula sa mga “hacktivist” sa Nobyembre 5, o tinaguriang International Day of Hacktivists.
Ayon kay DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, handa na ang mga ahensya ng gobyerno, bangko, at telco companies sakaling magkaroon ng mga Distributed Denial of Service (DDoS) attacks — isang uri ng cyberattack na nagdudulot ng pagkaantala sa websites at apps.
“Huwag mag-panic. Kung sakaling bumagal ang mga website o app, hayaan lang na lumipas ito,” ani Aguda sa panayam sa DZBB.
Dagdag pa niya, may mga anti-DDoS equipment at sapat na kaalaman ang mga eksperto sa cybersecurity upang mapigilan o mapagaan ang epekto ng anumang tangkang pag-atake.
Paliwanag ni Aguda, layon ng DICT na magbigay ng maagang babala at kamalayan sa publiko bilang pag-iingat.
“Alerto ang ating cybersecurity professionals, kaya walang dapat ipangamba,” aniya.
