Isang umaming Chinese spy ang nagdawit kay dating Bamban mayor Alice Guo sa civilian intelligence at secret police agency ng China.
Sa eksklusibong dokumentaryo ng Al Jazeera na pinamagatang “She Zhijiang: Discarded Chinese spy or criminal mastermind?”, isiniwalat ni She Zhijiang, isang tycoon na nakakulong ngayon sa Thailand, na si Guo ay may koneksyon umano sa Ministry of State Security ng China.
Ayon kay She, na lumalaban sa extradition patungong China dahil sa mga kaso ng ilegal na online gambling, nakilala niya si Guo sa Pilipinas noong 2016. Sinabi niya na humiling umano si Guo ng tulong pinansyal para sa kanyang kampanya, ngunit tinanggihan niya ito upang hindi maka-offend sa gobyerno ng Pilipinas.
Ibinunyag din ni She na hawak niya ang mga dokumento na nagpapatunay na si Guo, na may pangalang Chinese na “Guo Hua Ping,” ay ipinanganak sa China, at ang kanyang ina ay si Lin Wen Yi, isang pangalan na lumitaw na rin sa mga Senate hearings kaugnay sa pagkakakilanlan ni Guo.
Sa mensahe ni She para kay Guo, binalaan niya ito: “Hindi mapagkakatiwalaan ang China. Dedikado tayo sa Ministry of State Security pero tingnan mo ang nangyari sa akin. Kung ayaw mong mapahamak, ilabas mo ang katotohanan.”
Sa mga Senate hearings, paulit-ulit na itinanggi ni Guo ang akusasyon na siya ay isang Chinese spy at pinanindigan na siya ay isang Pilipino.
