Mainit ang usapan online matapos sumawsaw si Derek Ramsay sa isyu nina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo, lalo na sa pagkakadawit ng kanilang kaibigan na si Pernilla Sjoo sa kontrobersiya.
Nagsimula ang lahat nang mag-post sina Andi at Philmar ng cryptic Instagram stories na tila may kinalaman sa cheating—matapos magpatattoo si Philmar kasama ang isang kaibigan. Kalaunan, itinanggi ni Andi na may pagtataksil na naganap, pero binigyang-diin niya na hindi tama para sa isang “kaibigan” na hikayatin ang isang may-asawa na gawin ito nang hindi iniisip ang damdamin ng kanyang partner.
Hindi pinangalanan ni Andi ang kaibigan ni Philmar, pero mabilis na natunton ng netizens na ito ay si Pernilla Sjoo, isang Swedish photographer at athlete na matagal nang naninirahan sa Siargao. Dahil dito, binaha ng pamba-bash si Pernilla online, dahilan para i-deactivate niya ang kanyang social media accounts.
Sa gitna ng isyu, ipinagtanggol ni Derek si Pernilla, na matagal na niyang kaibigan kasama ang kanyang asawang si Ellen Adarna. Ayon kay Derek, walang masamang intensyon si Pernilla sa pagpapatattoo kasama si Philmar, at hindi ito karapat-dapat sa natatanggap niyang pambabatikos.
“Walang respeto kay Pernilla! Siya na nga ang tinulungan, siya pa ang nadamay!” galit na pahayag ni Derek sa isang interview kay Ogie Diaz. “Magpakalalaki ka, Philmar. Ayusin mo ang gusot mo, pero huwag mong pabayaan ang kaibigan mong siniraan sa proseso!”
Dagdag pa niya, hindi patas na sinabi lang ni Philmar na “okay na sila ni Andi” nang hindi man lang nilinaw ang sitwasyon ni Pernilla, na ayon kay Derek ay lubhang naapektuhan at labis na umiiyak araw-araw. “Mental health niya apektado na, pati trabaho niya, damay,” aniya.
Nagpahayag din si Derek na dapat na lang tapusin ni Pernilla ang pagkakaibigan kay Andi at Philmar, lalo na’t tila iniwan siya sa ere habang nagkaayos na ang celebrity couple.
Sa huli, diretsahan niyang tinawag si Philmar na walang bayag:
“Grow some balls, man. Hindi kita kaaway, pero maging totoong lalaki ka naman.”
Samantala, nananatiling tahimik sina Andi at Philmar matapos ang mga pahayag ni Derek.
