PULSE PH

Derek Ramsay, Sasabak sa Mas Masalimuot na Labanan sa ‘The Kingdom: Magkabilang Mundo’!

Mas lalo pang umiinit ang kwento ng The Kingdom sa pagpasok ni Derek Ramsay sa TV series na “The Kingdom: Magkabilang Mundo,” na tampok din sina Piolo Pascual at Cristine Reyes. Ang serye ay pagpapatuloy ng MMFF 2024 film na The Kingdom, na ngayo’y dadalhin sa mas malawak na yugto sa telebisyon.

Tatalakayin ng serye ang mga pangyayari matapos ang isyu ng pagmamana ng trono sa kaharian ng Kalayaan, isang alternatibong bersyon ng Pilipinas na hindi nasakop ng mga Kanluranin. Sa pelikula, ginulat ni Vic Sotto ang marami sa kanyang seryosong pagganap bilang Lakan na nahaharap sa mabigat na desisyon: sino sa kanyang tatlong anak—ginampanan nina Cristine Reyes, Sid Lucero at Sue Ramirez—ang karapat-dapat magmana ng kapangyarihan.

Sa bersyon ng TV5, ipakikilala ang isang kasalan at mga bagong karakter na inaasahang magpapabago sa takbo ng kwento. Kabilang dito sina Ryza Cenon at Derek Ramsay, na agad nagpahiwatig ng tensyon at banggaan ng ideolohiya. Ayon sa karakter ni Cristine na si Matimyas, “Sa bagong yugto, may bagong mukha ng pamumuno.”

Kasunod nito, ipinakita ang karakter ni Derek—nakapula at may matinding tindig—na nagbabala: “Ako ang babasag sa bulok na sistemang niyayakap n’yo. Disiplina ang gamot sa kahariang ito.” Isang pahayag na tila senyales ng mas madilim at mas marahas na tunggalian sa kaharian.

Ang The Kingdom ay likha ng APT EntertainmentMQuest Ventures, at MZet Television Productions, at kinilala sa MMFF 2024 matapos magwagi ng Best Production Design at Best Visual Effects—patunay ng mataas na kalidad na inaasahan din sa serye.

Exit mobile version