PULSE PH

DepEd, P65B para sa 25,000 Silid-Aralan—Sapat Ba?

Tumanggap ang Department of Education (DepEd) ng P65 bilyon para sa pagtatayo ng halos 25,000 bagong silid-aralan ngayong 2026—ang pinakamalaking school building program ng gobyerno mula 2020. Ito ay bahagi ng P1.015 trilyong budget ng DepEd sa ilalim ng P6.793-trilyong national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Bukod sa bagong classrooms, may P7.7 bilyon ding inilaan para sa pagkukumpuni ng mga lumang gusali, bilang bahagi ng P85.3 bilyong pondo para sa school infrastructure. Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin ng DepEd na mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng maayos na pasilidad, digital tools, at patuloy na suporta sa mga guro. Nangako rin ang ahensya ng mas mabilis at mas transparent na pagpapatupad ng mga proyekto, kabilang ang pakikipagtulungan sa LGUs at pribadong sektor.

Gayunman, nananatiling malaki ang hamon. Tinatayang nasa 148,000 silid-aralan pa rin ang kakulangan sa bansa, at patuloy itong lumalaki habang dumarami ang mga mag-aaral. Sa mga nakaraang taon, kapos ang aktuwal na natatapos na classrooms kumpara sa target, dahilan upang mabalam ang paghabol sa backlog.

Ayon sa mga ulat, hindi lang kakulangan sa pondo ang problema. Tinukoy ng Second Congressional Commission on Education ang mga sistemikong hadlang tulad ng mabagal na planning, palyadong bidding, kanseladong kontrata, at paggamit ng lumang datos sa pagpaplano. Dagdag pa rito ang hindi tugmang costing ng DepEd at DPWH, na nagdudulot ng delay at kakulangan sa pondo.

Bagama’t malaking hakbang ang dagdag-badyet, iginiit ng mga eksperto na kailangan ng mas maayos na sistema at mas mabilis na implementasyon. Tinatayang aabutin pa ng mahigit 20 taon bago tuluyang maresolba ang classroom shortage kung hindi maaayos ang mga ugat ng problema.

Exit mobile version