Nagsimula ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ng kanilang vaccination campaign sa mga pampublikong paaralan, sa pangunguna ni Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara. Sa kabila ng hamon ng pag-aalangan ng mga tao na magpabakuna, lalo na matapos ang Dengvaxia issue, tuloy ang laban para sa kalusugan!
Ang kampanya, na tinawag na “Bakuna Eskwela,” ay inilunsad sa Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Maynila. Layunin nitong pataasin ang immunization rates laban sa mga sakit na maiiwasan sa bakuna, tulad ng tigdas, rubella, tetanus, diphtheria, at human papillomavirus.
Ayon kay Angara, dati-rati, umabot sa 90% ang handang magpabakuna, ngunit bumagsak ito sa 40% matapos ang Dengvaxia controversy. “Hanggang ngayon, hindi pa kami nakakabawi,” aniya.
Tiniyak ng mga opisyal na magiging masinsin ang kanilang kampanya at umaasa sila na pipirmahan ng mga magulang ang consent form upang makapagpabakuna ang mga estudyante. “Kailangan natin ng pahintulot ng magulang,” sabi ni Health Secretary Ted Herbosa. Panahon na para labanan ang takot at gawing ligtas ang mga bata!