Site icon PULSE PH

Delta Plane Tumihaya sa Toronto! 17 Sugatan, Pero Ligtas Lahat ng Sakay

Isang Delta Air Lines jet na may 80 katao ang lumapag nang sapilitan sa Toronto airport noong Lunes, na nagresulta sa pagkakabaligtad ng eroplano. Labimpito (17) ang sugatan, tatlo sa kanila kritikal, ngunit walang naiulat na namatay.

Ang Endeavor Air flight 4819, sakay ang 76 pasahero at 4 na crew members, ay nagmula sa Minneapolis, Minnesota patungong Canada nang mangyari ang insidente. Ayon sa paramedics, kabilang sa mga malubhang nasugatan ang isang bata, isang lalaking nasa 60s, at isang babaeng nasa 40s.

Paano Nangyari ang Pag-crash?

Wala pang opisyal na paliwanag kung paano bumaligtad ang eroplano na may putol na pakpak matapos lumapag. Sa mga nakakapanindig-balahibong eksena, makikita sa mga video na kumalat online ang mga pasaherong paika-ikang lumalabas mula sa tumihayang CRJ-900 plane, habang hinahampas ng malalakas na hangin at niyebe.

Dumating agad ang fire crews, binuhusan ng tubig ang eroplano, at mabilis na inilikas ang mga sakay. “Heroic” ang naging pagtugon ng emergency teams, ayon kay Toronto airport authority CEO Deborah Flint. “Ilang minuto lang, nasa site na sila at ligtas na nailabas ang mga pasahero.”

Mga Eksena sa Loob ng Eroplano

Isa sa mga pasahero, si John Nelson, ay nag-post sa Facebook ng video mula sa tarmac. “Our plane crashed. It’s upside down.” aniya. “Mukhang okay naman karamihan. Lahat kami nakalabas na.”

Ayon sa Delta, ang flight ay “involved in an incident” ngunit tiniyak nilang walang namatay. “Ang buong Delta family ay kaisa ng lahat ng naapektuhan sa insidenteng ito.” pahayag ni Delta CEO Ed Bastian.

Masamang Panahon, Matinding Epekto

Matinding snowstorm ang tumama sa silangang Canada noong Linggo, kaya’t sobrang lamig at malalakas pa rin ang hangin sa Toronto nang maganap ang insidente. Dahil dito, pansamantalang isinara ang airport at naantala ang maraming flight.

Samantala, nagpadala na ng imbestigador ang Canada’s Transportation Safety Board at US Federal Aviation Administration upang alamin ang sanhi ng insidente.

Bagamat walang nasawi, ang crash na ito ay isa lamang sa serye ng mga kamakailang aviation incidents sa North America, kabilang ang mid-air collision sa US at isang medical transport plane crash sa Philadelphia.

Exit mobile version