Hindi maitatanggi ang kasikatan nina Deanna Wong ng Choco Mucho Flying Titans at Ivy Lacsina ng Akari Chargers sa mundo ng volleyball. Sikat silang dalawa, kaya’t tinatawag silang “DeaVy” ng kanilang fans—at kahit saan sila magpunta, laging may nakasubaybay.
Minsan nga, dumagsa ang mga tagahanga ni Deanna sa kanilang bahay sa Cebu noong isang Biyernes Santo, umaasang masulyapan siya. Sa mundong ginagalawan ng mga public figures, kasabay ng kasikatan ang pagkawala ng pribadong buhay. Pero kumportable na nga ba sila rito?
Sorpresa, Pero Blessing
Aminado si Deanna na noong una ay nabigla siya, pero kalaunan ay nasanay rin. “I remember where I came from, how I started, and who I was before,” aniya. Para sa kanya, ang kasikatan ay isang biyaya, kaya’t tinatanggap niya ito nang bukas-palad.
Ganoon din ang pananaw ni Ivy. “Noong una nagulat, pero never nagreklamo kasi blessing po talaga siya sa life namin,” aniya. Dati siyang runway model bago pumasok sa volleyball, at hindi niya isinasara ang pinto kung sakaling mabigyan muli ng pagkakataon sa pagmomodelo.
Pahinga Mula sa Mata ng Publiko
Dahil laging nasa mata ng publiko, minsan nakakapagod din. Kaya naman, nakahanap sila ng paraan upang mag-relax—gaya ng pagbabakasyon sa beach o pagbiyahe sa ibang bansa bago bumalik sa trabaho.
Malaki rin ang naging impluwensiya ng kanilang mga pamilya sa kanilang career. Ang ama ni Deanna ay dating basketball player na minsang nangarap maglaro sa PBA, kaya’t itinulak siyang ipagpatuloy ang volleyball. Samantala, parehong atleta ang mga magulang ni Ivy, kaya’t nasa dugo na rin niya ang sports.
Sa panayam nila sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi ni Ivy kung paano siya nahirapan sa desisyong lumayo sa pamilya para sa volleyball. “Before ayaw ko talaga kasi sobrang close ako sa family. Medyo hirap kami sa buhay noon, pero sabi ni Daddy, malaking opportunity ito sa akin,” aniya.
Pagmamahalan at Payo sa Kabataan
Sa likod ng kanilang tagumpay, dumaan din sila sa mga pagsubok bilang magkasintahan. “Marami po kaming pinagdaanan,” pag-amin ni Ivy. Pero ngayon, maayos na ang lahat sa kanilang pamilya. Para sa kanya, mahalaga ang sabay silang lumago bilang couple upang tumibay ang kanilang relasyon.
Bilang inspirasyon sa maraming batang atleta, may payo rin sila para sa mga nangangarap maging matagumpay sa volleyball. “Kailangan mong tanggapin ang pagkatalo para mas gumaling ka,” ani Ivy.
Samantala, ani Deanna: “Kahit gustung-gusto mo nang sumuko, huwag. Isipin mo iyong long-term. What you reap, you sow.”
Sa usapin ng 2028 Olympics sa Los Angeles, naniniwala si Deanna na may pag-asa ang Pilipinas. “Super kaya, Tito. Kailangan lang ng long-term plan at focus sa mga players na meron tayo ngayon,” sagot niya.