Nanawagan si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima na gamitin na rin ng pamahalaan ang Philippine Navy, hindi lang ang Philippine Coast Guard (PCG), upang protektahan ang mga Pilipino laban sa umano’y patuloy na pangha-harass ng mga barkong Tsino sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay De Lima, panahon na upang ipagtanggol ng Navy ang mga sibilyang Pilipino sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa at itaboy ang mga dayuhang sasakyang-dagat na lumalabag sa karapatan ng mga mangingisda.
Mariin niyang kinondena ang insidente kung saan pinaputukan ng water cannon ng China Coast Guard ang mga bangkang pangisda ng Pilipino, na ikinasugat ng tatlong mangingisda, pati na rin ang mapanganib na maniobra laban sa mga sasakyang pandagat ng PCG.
Iginiit ni De Lima na kailangan ng agarang aksyon upang maiwasan ang pag-uulit ng ganitong insidente, habang pinuri naman niya ang PCG at ang mga mangingisdang Pilipino sa kanilang mabilis na pagtulong at pagbibigay ng lunas sa mga nasaktan.
