Bagong hamon, bagong genre, at bagong role ang hinarap ni David Licauco sa pelikulang “Samahan ng mga Makasalanan” — at unang beses din niya itong ginawa na walang katambal na si Barbie Forteza.
“Medyo nanibago ako kasi halos lahat ng projects ko these past years, kasama ko si Barbie,” ani David. “Pero masaya at challenging, iba rin pala ang experience.”
Habang abala sila sa kani-kanilang solo projects, may good news si David sa mga BarDa fans:
“Of course, nami-miss ko siya. May gagawin naman kami… I think movie ‘yun.”
Sa “Samahan ng mga Makasalanan,” isang deacon na na-assign sa komplikadong community ang role ni David — at unang sabak din niya sa comedy. Bagamat kilala sa mga seryosong papel, pinasok niya ang mas magaan pero hindi madaling genre, sa direksyon ni Benedict Mique.
“Sabi ni direk, kaya ko raw, so nagtiwala ako. Kailangan lang daw maramdaman ko ‘yung vibe, ngumiti, at mag-react — ‘wag masyadong mag-isip,” kuwento niya.
Inspirasyon niya sa role si Park Seo-joon sa Itaewon Class — mabait, tahimik, pero palaban sa mundo ng mga kwelang tao. Swak daw ito sa karakter niya, lalo’t lumaki rin siyang religious at tahimik, kaya natural ang pag-portray sa role.
Bukod sa acting, may bago ring aabangan mula kay David: ang kanyang first single na “I Think I Love You”, lalabas na ngayong May 16 sa ilalim ng Universal Records.
Isa itong upbeat synth-pop na ipapakita ang mas masigla at playful na side ni David — malayo sa usual calm-and-collected image niya.
At kahit comedy ang latest project niya, may soft spot pa rin siya sa drama:
“Gusto ko talaga ‘yung umiiyak, ‘yung romantic-romantic na may lalim. Pero game ako sa kahit anong genre basta may saysay ang kwento.”
Mula teleserye, pelikula, hanggang music, si David Licauco ay patuloy na nag-e-evolve — pero kahit solo sa projects, halata namang hindi pa rin niya bitaw si Barbie sa puso’t isip.