Pumanaw na ang dating aktres at Pagsanjan mayor na si Maita Sanchez sa edad na 55 matapos ang laban sa Endometrial Cancer. Ayon sa kanyang asawa na si ER Ejercito, namatay si Maita kaninang madaling-araw, 12:01 a.m.
Inanunsyo ni ER, dating gobernador ng Laguna, ang pagpanaw ni Maita sa isang Facebook post. Magsisimula ang burol ni Maita ngayong araw hanggang Nobyembre 9 sa ancestral house ng mga Ejercito sa Pagsanjan, Laguna.
Nagbigay-pugay naman ang kasalukuyang mayor ng Pagsanjan na si Cesa Areza kay Maita, na nagsilbing mayor ng bayan sa loob ng siyam na taon mula 2010 hanggang 2019. “Isang tunay na ina ng Pagsanjan… Mayor Girlie ‘Maita’ Javier-Ejercito,” saad ni Areza sa Facebook.
Bago pumasok sa politika, nag-arte si Maita sa mga pelikula noong ’80s at ’90s gaya ng “Epifanio Ang Bilas Ko: NB-Eye” at “Pagbabalik ng Probinsyano” ni Fernando Poe Jr. Naiwan niya si ER at ang kanilang anim na anak na sina Eric, Jet, Jerico, Jhulia, Diego, at Gabriela.