Mariing itinanggi ng kontrobersyal na direktor na si Darryl Yap na ang kanyang pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma” ay produksyon ng Television and Production Exponents Incorporated (TAPE Inc.).
Ayon sa ulat ng Pilipino Star Ngayon (PSN), nilinaw ni Darryl na ang kanyang pelikula ay walang kinalaman sa sinasabing “Anti-Sottos.”
“Ang The Rapists of #PepsiPaloma ay hindi produksyon ng TAPE Inc. Hindi ito pinondohan ng Anti-Sottos, at tiyak na hindi ito ginawa para linisin ang Sotto Connection,” pahayag ni Darryl.
Samantala, ayon kay Gorgy Rula ng PSN, may nakakita umano kay Darryl na kasama ang isang mayamang personalidad na may koneksyon sa politika. Dagdag pa niya, ang nasabing personalidad ay kalaban ng isang malapit na tao kay Vic Sotto.
Kamakailan, parehong humarap sina Vic Sotto at Darryl Yap sa isang korte sa Muntinlupa kaugnay ng petisyon ni Vic para sa Writ of Habeas Data laban sa kontrobersyal na pelikula.
Ipinagbawal ng korte ang parehong panig na magbigay ng pampublikong pahayag ukol sa kaso. Sa panayam sa mga reporter pagkatapos ng hearing, muling iginiit ni Vic ang kautusan ng korte: “Hindi ako puwedeng magsalita.”