PULSE PH

Daniel Caesar, pinakilig ang mga Pinoy fans!

Matagumpay na hinarana ng Canadian R&B singer-songwriter na si Daniel Caesar ang kanyang mga tagahangang Pilipino sa pagbubukas ng kanyang tatlong gabing konsiyerto sa SM Mall of Asia Arena para sa DANIEL CAESAR: Son of Spergy Tour 2026 na inorganisa ng Live Nation Philippines.

Simple lang ang naging pormahan ng musikero na nakasuot lamang ng puting t-shirt at shorts, ngunit naging napaka-espesyal at tila pribado ng kapaligiran dahil sa kanyang swabeng boses. Kasama ang kanyang banda at isang koro, binuksan ni Daniel ang gabi sa pamamagitan ng pagkanta ng Moon habang nababalutan ng usok at malamlam na ilaw ang entablado nang walang anumang marangyang palamuti.

Ipinamalas din niya ang kanyang emosyon habang naglalakad sa entablado kasunod ang isang cameraman para sa mga awiting Have a Baby (With Me) at Who Knows. Sa kalagitnaan ng gabi, binalikan niya ang kanyang huling pagbisita sa bansa noong nakaraang taon at sinabing dahan-dahanin muna ang tempo bago tinugtog ang ARE YOU OK?.

Todo-buhos naman ang hiyawan at pag-amin ng pagmamahal ng mga manonood, kabilang na ang aktres na si Dawn Zulueta, nang umupo si Daniel sa gitna ng entablado para awitin ang sikat niyang kanta noong 2015 na Japanese Denim. Mas naging masigla pa ang gabi nang humiga ang singer sa mismong sahig ng entablado at hinayaan ang mga tagahanga na sumabay sa pagkanta ng Best Part at Get You, kung saan labis siyang natuwa sa galing ng mga Pinoy.

Exit mobile version