Itinalaga ni Pangulong Marcos ang dalawang insiders bilang kapalit ng dalawang retiradong komisyonado ng Commission on Elections (Comelec) bilang paghahanda para sa kampanya ng midterm elections ngayong taon.
Kinumpirma ng Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagkakapili kina Maria Norina Tangaro-Casingal at Noli Rafol Pipo bilang mga bagong komisyonado. Ang kanilang appointment ay inihayag isang araw bago magsimula ang campaign period para sa mga pambansang kandidato at mga party-list representatives.
Si Casingal, na may mahigit dalawang dekadang serbisyo sa Comelec, ay dating law director ng ahensya. Siya ang pumalit kay Socorro Inting, isang retiradong komisyonado. Samantalang si Pipo, na nagsimula bilang election officer III sa Bangued, Abra noong 1993, ay humalili kay Marlon Casquejo, na retirado na rin. Bago ma-appoint, si Pipo ay regional election director sa Ilocos.
Ang dalawang appointees ay binigyan ng ad interim appointments dahil hindi pa nakababalik ang Kongreso sa sesyon.
“Nag oath siya sa harap ko kaya agad niyang magampanan ang tungkulin bilang Commissioner,” ani Comelec Chairman George Garcia tungkol kay Casingal.
Pinuri naman ng dating Comelec Commissioner na si Gregorio Larrazabal ang pagpili ni Marcos kay Casingal, na aniya ay isang “very good choice.”
Si Pipo ay magpapakumpirma ng kanyang oath of office bukas at itatalaga sa Comelec Second Division. Ang kanyang appointment ay ad interim at magiging balido hanggang sa magbalik ang Kongreso sa June.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Marcos si Luis Meinrado Pangulayan, dating undersecretary ng Department of Agrarian Reform, bilang komisyonado ng Civil Service Commission (CSC). Ang appointment ni Pangulayan ay ad interim din, at magsisimula sa February 10.