Nasa malawakang manhunt ang mga awtoridad matapos ang pamamaril sa Brown University sa Providence, Rhode Island na ikinasawi ng dalawang katao at ikinasugat ng siyam pa, karamihan ay mga estudyante.
Nag-ugat ang insidente noong Sabado sa Barus and Holley building, kung saan may ginaganap na final exams. Agad na isinailalim sa lockdown ang buong campus habang tinugis ang suspek na inilarawang lalaking nakasuot ng itim. Wala pang armas na nakukuhang ebidensiya.
Aabot sa 400 pulis—mula FBI hanggang campus police—ang rumesponde. Ayon sa alkalde ng Providence, walong sugatan ang nasa kritikal ngunit stable na kondisyon, habang isa pa ang dinala sa ospital dahil sa mga fragment na tinamaan.
Ipinagpaliban ang mga exam at nanatili ang “shelter in place” order habang nagpapatuloy ang paghahanap. Nagpaabot ng pakikiramay ang mga opisyal, kabilang ang Pangulo ng US, at muling umigting ang panawagan laban sa karahasan sa mga paaralan sa gitna ng patuloy na problema sa mass shootings sa bansa.
