Site icon PULSE PH

Czechia, Balik sa World Championship Quarterfinals Matapos ang 39 taon!

Matapos ang halos apat na dekada, muling nakabalik sa quarterfinals ng FIVB Men’s Volleyball World Championship ang Czechia matapos talunin ang Tunisia sa straight sets, 25-19, 25-18, 25-23, kahapon sa MOA Arena.

Sa panalong ito, tiyak na makakamit ng Czechia ang kanilang best-ever finish sa kompetisyon, lagpas sa 10th place noong 2010 sa Italy. Susunod nilang makakalaban ay ang magwawagi sa pagitan ng Serbia at Iran, na naglaban kagabi para sa huling puwesto sa Last 8.

Kabilang na rin sa quarterfinalists ang Italy, Belgium, Poland, Turkiye, Bulgaria at United States.

Dating powerhouse sa volleyball ang Czechia noong panahon pa ng Czechoslovakia—dalawang beses silang naging world champion at may medalya rin sa Olympics. Huling beses nilang pumasok sa quarters ay noong 1986 sa France, habang ang huli nilang World Championship medal ay gold noong 1966 bilang host nation.

“Itong panalo na ito ay kasaysayan para sa amin,” ani Patrik Indra, opposite spiker ng Czechia na nanguna sa koponan na may 13 puntos, kabilang ang match-clinching spike. “Noon, Czechoslovakia pa kami. Pero ngayon, bilang Czech Republic, ito na ang pinakamagandang resulta at sisikapin pa naming pahabain ang moment na ito.”

Exit mobile version