Nagulat ang beteranang showbiz columnist na si Cristy Fermin nang malamang may inilabas na warrant of arrest laban sa kanya, kaugnay ng libel case na isinampa ni Bea Alonzo noong 2024.
Kahapon, Hulyo 30, naglabas ng warrant ang Quezon City Regional Trial Court Branch 93 laban kina Cristy, at sa mga co-host niyang sina Rommel Villamor at Wendell Alvarez ng programang “Cristy FerMinute.” Bukod sa warrant, may multa rin silang P48,000 bawat isa.
Sa isang episode ng kanilang show, sinabi ni Cristy na wala siyang kamalay-malay tungkol sa warrant.
“Wala akong alam, kailan lumabas? Maski abogado ko walang alam,” ani Cristy, sabay sabing aayusin niya agad ang isyu.
Dagdag pa niya,
“Sinabi ko kina Rommel at Wendell na may warrant tayo. Ako lang kasi sanay sa ganito.”
Nag-ugat ang kaso sa mga komento umano ni Cristy tungkol kay Bea, matapos ang hiwalayan nito kay Dominic Roque. Ayon sa reklamo, sinabi raw ni Cristy sa kanyang show na may problema si Bea sa tax filing at may labor case laban sa kanya ng dating driver.
Depensa ng kampo ni Bea:
“Karapatan niyang ipaglaban ang sarili laban sa mapanirang pahayag.”
Mukhang hindi pa tapos ang eksena — abangan ang susunod na kabanata sa world of showbiz at batas!