Walang pahinga para sa Creamline! Kagagaling lang sa kanilang kampeonato sa Premier Volleyball League Reinforced Conference, balik aksyon na agad sila ngayon sa PVL Invitational kontra sa Thailand’s EST Cola sa Sta. Rosa Sports Complex, Laguna.
“Oo nga, walang pahinga,” ani Coach Sherwin Meneses ng Creamline, matapos ang kanilang dominanteng panalo kontra Akari Chargers, 25-15, 25-23, 25-17, nitong Miyerkules na nagbigay sa kanila ng record-breaking na ika-siyam na PVL titulo.
“First time nangyari itong dikit na laban. Pero gagawin namin ang lahat para ma-sustain ang energy na pinakita namin,” dagdag ni Meneses.
Hindi pa tapos ang laban para sa Cool Smashers dahil target nila ngayon ang kanilang ika-sampung korona sa isang mini-tournament na limang team na lang matapos umatras ang Akari at PLDT dahil sa mga injury. Pinalitan ng Farm Fresh ang PLDT, habang kasama rin ang Cignal at defending champion Kurashiki Ablaze ng Japan.