Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na magsisimula na sa Oktubre 20 ang voter registration para sa susunod na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, tatakbo ang nationwide registration hanggang Mayo 18, maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Sa BARMM, magsisimula ito sa Mayo 1 at magtatapos din sa Mayo 18, matapos isagawa ang unang parliamentary elections ng rehiyon sa Marso.
Paliwanag ni Garcia, hiwalay ang iskedyul ng BARMM upang maiwasan ang kalituhan ng mga botante na maaaring isipin na ang registration ay para sa parliamentary polls.
Tinatayang 1.4 milyong bagong aplikante ang inaasahan ng Comelec na magpaparehistro sa loob ng pitong buwan. Sa huling national registration noong Agosto, halos 3 milyong Pilipino ang nagsumite ng aplikasyon.
Gaganapin ang barangay at SK elections sa buong bansa sa Disyembre 2026.