Patay ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at ang kanyang asawa matapos silang pagbabarilin sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, nitong Miyerkules, Marso 26.
Kinilala ang mga biktima bilang si Atty. Bai Maceda Abo, municipal election officer ng bayan, at ang kanyang asawang si Datu Jojo Olea Abo. Ayon sa ulat, naglalakbay ang mag-asawa sakay ng kanilang Toyota Fortuner patungo sa bayan nang tambangan ng mga armadong lalaki sa Barangay Makir.
Agad silang isinugod sa ospital ngunit kapwa idineklarang dead on arrival dahil sa dami ng tama ng bala.
Kinondena ng Comelec-BARMM ang pag-atake at nanawagan sa mga pulis at lokal na opisyal na tugisin ang mga salarin.
Samantala, isang insidente rin ng pamamaril ang naganap isang araw bago ang ambush sa Abo couple. Pinaputukan ng mga armadong lalaki ang pick-up truck ni Barangay Niketan Chairperson Mae Kris Sinsuat sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat. Wala namang nasaktan sa insidente, ngunit nagdulot ito ng takot sa mga residente.
Patuloy ang imbestigasyon sa mga serye ng karahasang ito sa Maguindanao del Norte.
