Site icon PULSE PH

Comelec kay Marcoleta: Ipaliwanag ang Umano’y Kulang na Deklarasyon sa SOCE!

Inatasan ng Commission on Elections (Comelec) si Sen. Rodante Marcoleta na magpaliwanag kaugnay ng umano’y hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang mga campaign donation sa May 2025 elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maglalabas sila ng show-cause order sa susunod na linggo upang hingan ng paliwanag ang senador sa nakitang di pagkakatugma ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sinasabing may mga donasyong hindi isinama ng senador sa kanyang SOCE—isang obligasyong legal para sa lahat ng kandidato.

Posibleng maharap si Marcoleta sa perjury o election offense kung mapatunayang may nilabag siyang batas, ayon kay Garcia.

Inamin ni Marcoleta na may ilang donasyong hindi niya idineklara dahil umano sa kagustuhan ng ilang donors na manatiling anonymous. Samantala, ilang kandidato at mambabatas mula sa nakaraang halalan ay iniimbestigahan din dahil sa pagtanggap umano ng pondo mula sa mga government contractor.

Patuloy ang Comelec sa pagbusisi upang matiyak ang transparency at integridad ng campaign finance reporting sa bansa.

Exit mobile version