Itinigil na ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng preparasyon para sa nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, kabilang na ang filing ng certificates of candidacy (COC).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, epektibo na ang batas na nagre-reset ng halalan sa Nobyembre 2, 2026, kaya’t wala nang saysay ituloy ang mga aktibidad para sa orihinal na petsa nitong Disyembre 1, 2025.
“Wala pang inilalabas na temporary restraining order ang Korte Suprema, kaya umiiral ang batas na nagpapaliban sa halalan. Kaya’t lahat ng preparasyon ay ititigil na,” paliwanag ni Garcia sa isang forum kahapon.
Dapat sana ay nagsimula na kahapon ang filing ng COCs, ngunit ipinahinto ito ng poll body. Maglalabas na lang ang Comelec ng bagong kalendaryo ng halalan para sa susunod na taon.
Nilinaw ni Garcia na magpapatuloy pa rin ang procurement ng election materials, pero kanselado na ang filing ng COCs, election period, at campaign period para ngayong taon.
Sa ulat, nagamit na ng Comelec ang ₱2 bilyon mula sa ₱11.5-bilyong budget para sa eleksyon, at may dagdag na ₱7.46 milyon mula sa Kongreso para sa susunod na halalan.