Nagbigay ng babala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato na huwag magbigay ng pera o mga mamahaling bagay sa mga event bilang bahagi ng kanilang kampanya para sa darating na halalan sa Mayo. Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, pinapayagan ang mga kandidato na makilahok sa mga paligsahan, ngunit hindi sila pinapayagan magbigay ng mga premyo o regalo na may halaga dahil maaari itong maituring na pagbili ng boto.
Samantala, nagsimula na ang Comelec sa pamamahagi ng voter information sheet (VIS) para sa mahigit 68 milyong botante sa buong bansa. Layunin ng Comelec na maipamahagi ito bago matapos ang Abril upang matulungan ang mga botante na malaman ang kanilang mga presinto at makita ang mga kandidato sa national, local, at party-list elections.
Ayon kay Garcia, ang VIS ay dapat dalhin ng mga botante sa araw ng eleksyon, imbes na ang sample ballots na ipinagkakalat ng mga kandidato o political parties. Inaasahan ng Comelec na matatapos ang pamamahagi nito bago magtapos ang buwan ng Abril.
Bukod dito, sinabi ni Garcia na may mga hakbang din para matiyak na ang mga botante ay nakatala sa tamang address sa kanilang records at madali nilang malalaman ang kanilang polling precinct dalawang linggo bago ang eleksyon.