Ibinunyag ng mga showrunner ng HBO Original limited series na “The Penguin” na si Colin Farrell mismo ang naging inspirasyon sa paglikha ng palabas.
Unang pinahanga ni Farrell ang mga manonood bilang Oz Cobb, aka The Penguin, sa pelikulang “The Batman” noong 2020, kasama si Robert Pattinson. Ngayon, sa DC Studios series na ito, mas malalim ang paghimay sa sikolohiya ng iconic na villain.
Ang palabas, na executive-produced nina Matt Reeves, Farrell, Dylan Clark, at Lauren LeFranc (na siya ring showrunner at manunulat), ay hindi lang magpapakita ng ambisyong kriminal ni Oz, kundi pati na rin ang kanyang mga kahinaan at emotional scars.
Sa isang virtual interview, ikinuwento ni LeFranc ang unang reaksyon ni Farrell nang i-pitch sa kanya ang serye. “Nasa Ireland siya noong kausap ko sa Zoom, at na-pitch ko sa kanya ang backstory ni Oz at ang kanyang character arc, na ngayon ay nakikita natin sa palabas.”
Si Farrell ang nagtulak sa seryeng ito, ayon kay LeFranc, at mismong siya ang nagbigay ng ideya kay Reeves at sa producer na si Dylan Clark habang nasa set ng “The Batman,” dahil gusto pa niyang mas ma-explore ang pagkatao ng karakter.
Bukod kay Farrell, tampok din sa serye sina Cristin Milioti (Sofia Falcone), Rhenzy Feliz (Victor Aguilar), Michael Kelly (Johnny Viti), Shohreh Aghdashloo (Nadia Maroni), Clancy Brown (Salvatore Maroni), at marami pang iba.
Paano nga ba nila binalanse ang paglikha sa isang karakter na laging kontrabida pero bida sa sarili niyang kwento? Ayon kay LeFranc, “Walang mga definite na heroes o villains dito—mga komplikadong tao lang. Gusto ko sanang ipakita kung bakit siya ganoon—ano ang nagtutulak sa kanya, at bakit gusto niya ng kapangyarihan. Marami rito ay konektado sa relasyon niya sa kanyang ina at sa pagnanais niyang maging proud siya.”
Dagdag pa niya, “Narcissist din siya, may kakaibang pananaw sa mundo. Habang patuloy nating ini-unpack ang kanyang pagkatao sa bawat episode, mas mauunawaan natin kung sino talaga si The Penguin.”