Bihirang magsalita ang magkasintahang Coco Martin at Julia Montes tungkol sa kanilang pribadong buhay, kaya naman labis na natuwa ang kanilang mga tagahanga sa mga ibinahagi ng dalawa kamakailan. Sa naganap na paglulunsad sa kanila bilang mga unang joint brand ambassador ng Regasco LPG, nagkuwento ang kilalang showbiz couple tungkol sa kanilang relasyon, mature na pananaw sa buhay, at mga plano para sa hinaharap.
Ayon kay Julia, ang pananampalataya sa Diyos ang pinakasentro ng kanilang pagsasama na tumutulong sa kanila na malampasan ang mga pagsubok. Sinabi naman ni Coco na ang pagpapanatili ng pribadong relasyon sa kabila ng ingay sa showbiz, kasabay ng respeto at suporta sa isa’t isa, ang naging matibay na pundasyon nila sa loob ng maraming taon. Pareho silang lumaki sa poder ng kanilang mga lola kaya inilarawan ni Coco ang kanilang istilo bilang “makaluma” o tradisyunal pagdating sa pagpapahalaga sa pamilya.
Sa usaping trabaho at negosyo, ibinunyag ni Coco na magkatuwang na sila ngayon sa kanilang produksyon na CCM Films. Doon ay nahahati nang maayos ang kanilang mga tungkulin dahil si Coco ang nakatutok sa creative side o pagbuo ng kuwento, habang si Julia naman ang humahawak sa finances o pananalapi.
