Tinawag ng Commission on Human Rights (CHR) na “hindi sapat” ang 60-day suspension na ipinataw kay Manila Councilor Ryan Ponce dahil sa kasong sexual harassment, at iginiit na dapat ay magkaroon ng buong pananagutan alinsunod sa umiiral na batas.
Ayon sa CHR, bagama’t “welcome step toward accountability” ang ginawa ng Manila City Council, hindi raw dapat matapos sa suspensyon lamang ang kaso. “Ang suspensyon ay hindi kapalit ng ganap na pananagutan,” pahayag ng komisyon.
Si Ponce ay nasuspinde matapos irekomenda ng committee on ethics ng city council ang aksyon kaugnay ng reklamo ng fellow Councilor Eunice Castro, na nagsampa ng kaso laban sa kanya dahil sa umano’y sexual harassment.
Binigyang-diin ng CHR na may malinaw na probisyon ang mga batas tulad ng Magna Carta of Women, Anti-Sexual Harassment Act, at Safe Spaces Act para sa mga parusa at mekanismo laban sa mga lumalabag, pati na rin sa pagbibigay ng proteksyon sa mga biktima.
Dagdag pa ng komisyon, dapat ding pairalin ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, na nagsisilbing gabay sa tamang asal ng mga opisyal ng gobyerno.
Ipinahayag ng CHR ang pag-aalala sa insidente dahil ito ay naganap sa loob ng isang local government unit at kinasasangkutan ng halal na opisyal na may tungkuling maglingkod sa publiko.
Pinuri rin ng ahensya ang paalala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na opisyal na ang sexual misconduct ay isang seryosong paglabag sa batas, etika, at tiwala ng publiko.
