Mariing itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang anumang ugnayan sa isang mamamayang Chinese na nadakip kamakailan ng Bureau of Immigration dahil sa paggamit ng mga pekeng dokumento ng Pilipinas. Ayon kay Manila City Administrator Eduardo Quintos XIV, ang suspek na kinilalang si Peter B. Zhuang ay hindi kailanman naging konektado, kaanib, o empleyado ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso. Ginawa ng opisyal ang pahayag upang linawin ang mga ulat na nag-uugnay sa dayuhan sa kanilang tanggapan.
Naaresto si Zhuang ng mga awtoridad noong nakaraang Marso matapos mahulihan ng mga pekeng pagkakakilanlan at sertipikasyon upang magpanggap na isang Pilipino at kawani ng city hall. Kabilang sa mga narekober sa kanya ay isang identification card na nagtatalaga sa kanya bilang isang direktor para sa ugnayang panlabas ng Maynila at Tsina. Binigyang-diin ni Quintos na ang mga naturang dokumento ay labas sa kaalaman at awtoridad ng kasalukuyang pamunuan ng lungsod.
