Matapos ang 10 araw ng pagkakaaresto, kumalat sa Chinese social media ang mga pekeng ulat na nasa coma si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa piitan ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague. Ayon sa mga pekeng balita, malubha ang kanyang kondisyon—may bagsak na blood pressure, hindi normal na tibok ng puso, at kidney failure—at di umano’y binibigyan lang siya ng mababang kalidad na gamot, tulad ng nangyari sa dating Yugoslav leader na si Slobodan Milošević, na namatay sa kulungan noong 2006.
Fake Videos, Protests at Military Intrigue
Nagbabaha rin ang manipulated media na nagpapakitang tila may malawakang protesta laban sa Marcos administration at suporta kay Duterte. Isang edited video ang nagpakita kay Sara Duterte na nagsasalita sa Mandarin bilang pagtatanggol sa kanyang ama—pero ang totoo, English ang orihinal na pahayag niya. Mayroon ding mga lumang larawan ng mga protesta na pinalabas na galit ng publiko sa pagkakaaresto ng dating pangulo.
Bukod pa rito, may mga pekeng ulat na nag-aakusa sa militar ng pagbaliktad at pagpaplanong pabagsakin ang gobyerno. Isa sa mga pekeng balita ang nagsasabing may mga sundalo mula Davao na binalak sakupin ang Maynila—isang lumang larawan ni Duterte habang sumasaludo sa mga sundalo noong Marawi siege ang ginamit para sa kasinungalingang ito.
Civil War at ‘US Conspiracy’
Sa pagdami ng pekeng balita, lumitaw rin ang mas matitinding teorya ng sabwatan—na isinakripisyo raw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Duterte kapalit ng suporta ng U.S. Ipinapakita si Duterte bilang biktima ng “Western oppression,” habang si Marcos ay ipinapakitang mas lumalapit sa U.S. sa kapalit ng political protection.
Pati si First Lady Liza Marcos ay nadamay, kung saan kumalat ang maling balita na siya raw ay sandaling dinetine sa U.S. dahil sa drug-related offenses. Ayon sa Malacañang, umuwi na siya ng Pilipinas noong Marso 10, bago pa man arestuhin si Duterte.
Fake News Kahit May Batas sa China
Sa kabila ng mahigpit na batas ng China laban sa fake news, patuloy pa rin itong lumalaganap sa Weibo, TikTok, Douyin, Zhihu, Netease, Sohu, QQ, at Baijiahao. May ilang state media sa China ang nagde-debunk ng ilan sa mga pekeng ulat, ngunit patuloy pa rin ang pagpapakalat ng mga teoryang nagpapakita kay Duterte bilang isang martir ng Kanluranin sa halip na isang lider na nililitis sa ICC.
