Opisyal nang nagsimula ang Super Bowl hype nitong Lunes (Martes sa Maynila) sa Superdome sa New Orleans, kung saan nagharap ang Kansas City Chiefs at Philadelphia Eagles sa media at isa’t isa bago ang malaking showdown sa Linggo.
Pero isang bagay ang agad na naging malinaw—hindi masyadong bet ng local fans sa Louisiana ang Chiefs. Mas gusto nilang makita ang Eagles na tapusin ang pangarap ng Kansas City na maging unang koponan na mag-“Three-peat” sa modernong NFL era.
Hindi naman alintana ng Chiefs ang pagiging “kontrabida” sa kwento ng Super Bowl ngayong taon.
Sa “Media Day,” kung saan libo-libong fans ang nagbayad ng $20 para panoorin ang mga manlalaro na bombahin ng tanong, ramdam ang anti-Chiefs vibe. Nang ipakilala sina Patrick Mahomes at iba pang key players ng Chiefs sa entablado, sabay sa pakikipagkamay sa Eagles, umalingawngaw ang boo mula sa karamihan ng audience.
Dahil dito, maraming nagtanong—naging bagong “team to hate” na nga ba ang Chiefs tulad ng New England Patriots noong kasikatan ng Tom Brady era?
Para kay Mahomes, walang kaso kung sila man ang bagong “villain” ng NFL.
“Hindi naman namin iniisip na kontrabida kami, mas ini-embrace lang namin kung sino kami,” aniya. “Nanalo kami sa tamang paraan, may puso at passion. Kung ang panalo ay dahilan para makita kaming kontrabida, edi tuloy lang namin ‘yon.”
Aminado rin si Mahomes na noong bata siya, isa siyang certified Patriots hater, pero ngayon, mas naiintindihan na niya ang greatness ng koponan ni Bill Belichick.
“Pinaboran ng refs?”
Isa pang usapan sa social media ay ang umano’y “favoritism” ng referees sa Chiefs, bagay na tila hindi ikinatuwa ni star tight-end Travis Kelce.
Sa isang Q&A, tinanong si Kelce kung ano ang gusto niyang itanong sa media kung baliktad ang sitwasyon. Sagot niya, “Bakit masyado niyong ini-emphasize ang tungkol sa mga referees?”
Habang may mga fans na tila sawa na sa sunod-sunod na pagpasok ng Chiefs sa Super Bowl (pang-apat na nila ito sa loob ng limang taon), hindi matatawaran ang kanilang championship experience.
“Mas handa kami ngayon,” sabi ng veteran kicker na si Harrison Butker, na may tatlong Super Bowl rings na sa kanyang koleksyon.
Sa kabilang panig, gutom din ang Eagles na makabawi matapos silang talunin ng Chiefs sa Super Bowl dalawang taon na ang nakalipas sa Arizona.
Pero kahit seryoso ang preparasyon ng dalawang teams, hindi rin nawala ang lighthearted moments.
Si Eagles quarterback Jalen Hurts ay tinanong tungkol sa kanilang sikat na short-yardage play kung saan siya literal na tinutulak papasok sa end zone. May mga tawag dito tulad ng “Tush Push” at “Brotherly Shove,” pero tila wala siyang interes sa mga fancy names.
“I call it the quarterback sneak. Standard lang ako,” sagot ni Hurts.
Sa dami ng kwento at intriga, isang bagay ang sigurado—ang Super Bowl ngayong taon ay magiging matindi!