Humingi ng pang-unawa si Kapamilya actress Chie Filomeno kaugnay ng kumakalat na balitang hiwalayan nila ng aktor na si Jake Cuenca. Sa kanyang Instagram stories, nanawagan si Chie na huwag nang idamay ang Cebu-based Lhuillier family, lalo na matapos siyang mai-link umano kay businessman Matthew Lhuillier.
Ayon kay Chie, wala umanong kinalaman ang pamilya sa usaping personal niya: “They don’t deserve to be dragged into something that has nothing to do with them,” aniya. Idinagdag din niya na hindi na muna siya magbibigay ng karagdagang pahayag at hiling niya na tigilan na ang mga espekulasyon.
Giit pa ng aktres, kahit isa siyang public figure, may karapatan pa rin siya sa privacy: “I may be a public figure, but I am not public property.”
Kasabay nito, ipinahayag din ni Chie ang kanyang pagkadismaya sa sobrang pakikialam ng iba sa buhay ng may buhay. Aniya, mas dapat bigyang-pansin ng publiko ang mas mahahalagang isyu gaya ng problema sa baha kaysa sa panghihimasok sa kanyang personal na relasyon.
Nag-ugat ang mga tsismis matapos i-promote ni Chie ang Bisaya Brew beer na pagmamay-ari ni Matthew Lhuillier noong Setyembre 22. Ilang araw lang matapos nito, parehong nag-unfollow sa social media sina Chie at Jake, dahilan para lumakas ang haka-haka tungkol sa kanilang hiwalayan.