Matapos ang 73rd Miss Universe sa Mexico, itinanghal ang Filipina na si Chelsea Manalo bilang Miss Universe – Asia, isa sa apat na continental queens na pararangalan bilang ambassadors ng kanilang mga rehiyon.
Kabilang sa mga nagwagi sina Finland’s Matilda Wirtavuori (Europe & Middle East), Peru’s Tatiana Calmell (Americas), at Nigeria’s Chidimma Adetshina (Africa & Oceania), na runner-up din ng bagong Miss Universe na si Victoria Kjær Theilvig mula Denmark. Kung sakaling hindi magampanan ni Victoria ang kanyang tungkulin, si Chidimma ang susunod sa trono.
Suot pa ni Chelsea ang kanyang eleganteng feathered tiffany gown na likha ng Bulakenyo designer na si Manny Halasan nang tanggapin ang kanyang sash matapos ang Top 30 elimination. Kasama rin niya sa event si Tatiana, na kanyang roommate sa pageant.
Sa press conference, inanunsyo rin ng Miss Universe Organization ang posibleng host countries ng 2025 edition: India, South Africa, Thailand, Costa Rica, Dominican Republic, Spain, Argentina, o Morocco.
Samantala, si Victoria, ang bagong Miss Universe, ay ang unang Danish titleholder at kauna-unahang European winner mula 2016.