Nagbigay ng payo ang beauty queen na si Celeste Cortesi sa mga kandidata ng Miss Universe Philippines: huwag masyadong mag-pressure at mas mahalagang i-enjoy ang buong proseso ng kompetisyon.
Si Celeste, na nagsuot ng korona bilang Miss Earth Philippines 2018 at Miss Universe Philippines 2022, ay dalawang beses nang kumatawan sa bansa sa international pageants. Ayon sa kanya, isa sa pinakamagandang karanasan sa buhay ang pagsali sa pageant kaya dapat sulitin ng mga kandidata ang bawat sandali at ibigay lamang ang kanilang pinakamahusay.
Sa kasalukuyan, abala si Celeste bilang entrepreneur at brand ambassador. Isa siya ngayon sa muse ng lokal na jewelry brand na Tessera, kung saan tampok siya sa kampanya ng kanilang signature blue stone pieces. Para sa kanya, maaaring maging personal expression at investment ang alahas na puwedeng ipamana sa susunod na henerasyon.
Bukod sa negosyo, aktibo rin siya sa charity work kasama ang kanyang nobyo. Nakapagbigay sila ng donasyon sa mga biktima ng lindol sa Cebu at Davao Oriental, pati na rin sa mga estudyante at ospital na tumutulong sa mga may sakit sa puso.
Pinapatakbo rin ni Celeste ang kanyang beauty brand na Asul, isang lip care business na patuloy na lumalago. Ayon sa kanya, ang pangalang “Asul” o “Azul” ay hango sa salitang “blue,” na may espesyal na kahulugan sa kanya at sumisimbolo sa katahimikan at tubig.
Sa kabila ng mga panawagan ng fans na sumali pa siya sa iba pang pageant tulad ng Miss Grand Philippines, sinabi ni Celeste na bukas pa rin siya sa posibilidad, ngunit sa ngayon ay nakatuon muna siya sa kanyang mga proyekto at endorsements.
