Idineklara na sa state of calamity ang buong probinsya ng Cebu matapos yanigin ng magnitude 6.9 na lindol noong Martes ng gabi na nagdulot ng matinding pinsala at mataas na bilang ng mga biktima.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umakyat na sa 69 ang kumpirmadong patay habang 293 ang sugatan. Pinakamaraming nasawi sa Bogo City (30 katao), sinundan ng San Remigio (22), Medellin (10), Tabogon (5), at tig-iisa sa Tabuelan at Sogod.
Tinatayang 27,000 pamilya mula sa pitong LGU ang nawalan ng tirahan. Malawak ang pinsala sa kalsada, tulay, kabahayan, pati na rin sa mga pampublikong pasilidad gaya ng city hall at ospital sa Bogo.
Nagpatuloy ang rescue operations, kabilang na ang paghahanap sa mga na-trap sa gumuhong gusali. Sa gitna nito, tatlong miyembro ng Philippine Coast Guard ang nasawi matapos bumagsak ang San Remigio Sports Complex.
Matindi rin ang epekto sa serbisyo: nagkaroon ng blackout matapos masira ang mga planta ng kuryente, habang naputol ang komunikasyon sa ilang bayan. Nahinto rin ang operasyon sa Hagnaya Port, at ilang kalsada at simbahan gaya ng Archdiocesan Shrine of Sta. Rosa de Lima ay gumuho.
Sa antas nasyonal, inatasan ni Pangulong Marcos ang agarang pagbibigay ng ayuda. Nagpakilos ang AFP, PNP, PCG at DOH ng rescue teams, C-130 planes, Black Hawk helicopters, pagkain at medisina para sa mga apektado. Nagpadala rin ang DSWD ng mahigit 10,000 food packs at iba pang relief goods.
Samantala, tiniyak ng DBM na may ₱8 bilyong pondo para sa mabilis na rehabilitasyon, habang nagbabala ang Phivolcs sa patuloy na aftershocks na umabot na sa 848.
Sa aerial inspection, inilarawan ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro ang pinsala bilang “devastating”. Giit ng mga lokal at pambansang opisyal, mahalagang maging mabilis, organisado, at handa ang pagtugon upang maiwasan pa ang dagdag na trahedya.