PULSE PH

Cebu at Pinoy Rum, Tampok sa K-Drama ni Jisoo na “Boyfriend on Demand”

Napansin ng mga Pinoy viewers ang ilang pamilyar na tanawin sa Pilipinas matapos lumabas sa K-drama na Boyfriend on Demand ang ilang lokasyon sa Cebu, pati na rin ang isang lokal na rum.

Sa unang episode ng serye na pinagbibidahan ni Jisoo kasama sina Seo In-guk at Lee Soo-hyuk, makikita ang isang beach scene na kinunan sa Shangri-La Mactan, Cebu. Sa eksena, iniimagine ng karakter ni Jisoo na si Soo Mirae ang kanyang “best summer” sa Pilipinas habang nasa tabing-dagat, kung saan makikita rin ang tourism slogan na “Love the Philippines.”

Kinumpirma naman ng Department of Tourism na sa naturang resort kinunan ang eksena at may iba pang magagandang tanawin mula sa Cebu na lalabas sa mga susunod na episode.

Sa Episode 6 naman, tampok din ang Bluewater Maribago Beach Resort bilang isa pang tropical backdrop ng serye. Ibinahagi ng resort ang ilang screenshots ng eksena kung saan makikita ang mga South Korean stars sa kanilang lugar.

Bukod sa mga tanawin, napansin din ng fans sa isang episode na umiinom ang karakter ni Seo In-guk ng isang sikat na rum na gawa sa Pilipinas—na lalo pang nagpasigla sa “Uy, Pilipinas!” moment ng mga manonood online.

Naalala rin ng fans na nakita si Jisoo na nagfi-film sa Cebu noong Pebrero ng nakaraang taon, bago siya bumalik sa bansa para sa Manila stop ng kanyang solo fan tour na “Lights Love Action.”

Exit mobile version