Site icon PULSE PH

Cayetano, Nanawagan ng Snap Elections: “Panibagong Simula Para sa Pilipinas”!

Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ng isang snap election na sasaklaw sa buong pambansang liderato — kabilang sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Pangalawang Pangulo Sara Duterte, at lahat ng miyembro ng Senado at Kamara — upang bigyan umano ng “bagong simula” ang bansa sa gitna ng lumalalang kawalan ng tiwala ng publiko sa mga pinuno ng gobyerno.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni Cayetano na “mga suspek na sa mata ng taumbayan” ang mga pulitiko ngayon, lalo na matapos ang mga alegasyon ng korapsyon sa bilyon-bilyong flood control projects na nagpasiklab ng mga kilos-protesta sa iba’t ibang lugar.

“Wala na talagang tiwala ang mga tao — at sino ba ang masisisi mo?” ani Cayetano. “Kaya kung tutuusin, bakit hindi na lang tayong lahat magbitiw at magdaos ng snap election, pero may kondisyon — walang incumbent ang pwedeng tumakbo sa susunod na cycle.”

Paliwanag niya, magpapatuloy ang takbo ng gobyerno kahit wala munang mga halal na opisyal dahil mananatili sa puwesto ang mga lokal na lider gaya ng mga gobernador, mayor, at barangay officials na aniya’y “mas pinagkakatiwalaan ng publiko.”

“Walang drama, walang palusot, walang recyling — isang malinis na simula para sa sambayanang Pilipino,” dagdag ng senador. “Kung tunay tayong naglilingkod, hindi tayo matatakot magsimula muli.”

Ang panukala ni Cayetano ay dumarating sa panahong mainit ang panawagan para sa reporma at transparency, habang patuloy ang mga protesta laban sa katiwalian sa pamahalaan.

Exit mobile version