Muling bumalik sa kalsada si Miss Universe 2018 Catriona Gray ngayong Nobyembre 30, kasabay ng paggunita sa Bonifacio Day, upang manawagan ng malinaw at agarang aksyon laban sa lumalalang isyu ng korapsyon sa bansa. Sa harap ng mga nagpoprotesta sa People Power Monument sa EDSA, tinuligsa niya ang “nakabibinging katahimikan” ng mga opisyal na dapat nagsasampa na ng kaso laban sa mga sangkot sa kontrobersyal na flood control scandal.
Suot ang off-white na kasuotan, iginiit ni Gray na pagod na ang mga Pilipino na makita kung paanong ninanakaw ng korapsyon ang pondong para sana sa pagkain, gamot, silid-aralan, at kaligtasan ng bawat pamilya. Bilyon-bilyong piso raw ang nawawala nang walang napapanagot.
Matapos ring sumama sa mga protesta noong Setyembre 21, binigyang-diin ni Gray na kahit ilang buwan na ang lumipas, wala pang mataas na opisyal ang nakukulong. Isa raw itong malinaw na tanda ng isang sistemang pumapabor sa iilan.
Ayon kay Gray, hindi dapat manahimik ang publiko. Aniya, kung isang departamento pa lamang ang iniimbestigahan ay marami pang posibleng katiwalian sa edukasyon, agrikultura, kalusugan, at iba pang sektor na maaaring lumabas.
Nanawagan siya sa Ombudsman na isampa na ang mga kaso, sa Senado na suspindihin ang mga opisyal na nadadawit, at sa Kongreso na ipasa ang anti-political dynasty bill upang matigil ang pamamayani ng kapangyarihan sa iisang pamilya.
Bago matapos, nanguna siya sa isang panalangin para sa bayan at pinaalalahanan ang lahat na huwag kalimutan ang dahilan ng kanilang galit. Aniya, hindi hahayaan ng henerasyong ito na manaig ang korapsyon.
