PULSE PH

Carla Laforteza, Proud na Proud Mom ni KATSEYE’s Sophia!

Ipinagmamalaki ni Carla Guevara-Laforteza ang kanyang anak na si Sophia, ang leader ng global girl group na KATSEYE. Hindi naging madali ang pag-abot ni Sophia sa tagumpay, pero ngayon ay tinatamasa niya ang bunga ng kanyang tiyaga.

Noong nakaraang taon, nag-debut si Sophia bilang leader ng KATSEYE, isang multi-cultural girl group mula Los Angeles na nabuo sa reality show na “The Debut: Dream Academy” ng HYBE at Geffen Records. Sumikat sila dahil sa mga viral tracks na “Debut” at “Touch.” Ngayong taon, pumasok ang kanilang single na “Gnarly” sa Billboard Hot 100, at kinapanood ng marami ang music video ng bagong kanta nilang “Gabriela” kung saan nag-guest si Hollywood star Jessica Alba.

Ayon kay Carla, na isang beteranang aktres at musical theater performer, nakuha ni Sophia ang galing sa pag-awit at pagsayaw mula sa kanyang mga magulang. “Sophia got my looks, pero ang boses niya, galing sa side ng tatay niya na pop at gospel. Ang galing niya sa choreo, parang daddy niya talaga,” kuwento ni Carla.

Hindi naging madali ang daan ni Sophia. Noon, gusto niyang maging doctor o guidance counselor. Nag-aral siya ng voice at dance, pero paulit-ulit siyang nare-reject sa local auditions dahil sa taas at edad niya. Naantala pa ang kanyang mga local shows dahil sa pandemya.

Pero biglang dumating ang pagkakataon sa international scene. “Hindi pala pang-local, international pala anak ko. Superstar pa siya!” aniya. Ngayon, bukod sa pagiging group leader, siya ang “mom” ng KATSEYE—maalaga sa mga kasama at nananatiling totoo sa sarili.

Hindi raw siya nag-push o nag-pressure sa mga anak niya. “Pinapanood ko lang sila at sinasabi, ‘Ano gusto mong gawin? Panindigan mo ‘yan.’” Itinuturo rin ni Carla sa mga anak ang pagtanggap sa pagkabigo bilang bahagi ng paglago.

Bagamat magkalayo sila ni Sophia, nagkakausap sila dalawang beses araw-araw via video call. Nakilala na ni Carla ang lahat ng miyembro ng grupo at kanilang mga magulang nang mag-host siya ng dinner para sa kanila sa Pilipinas.

Pinupuri ni Carla ang management ng KATSEYE sa HYBE at Geffen Records. “Alagang-alaga sila, may mental health doctor, dentist, physical therapist, pati general doctor. Sobrang protektado at priority talaga ang kalusugan nila.”

Para kay Carla, double blessing na nagagawa ni Sophia ang gusto niyang propesyon habang nag-eenjoy bilang isang sikat na entertainer. Isang kwento ng pagtitiyaga, suporta ng pamilya, at tagumpay na swak sa global stage!

Exit mobile version