Tahimik lang si Carla Abellana sa kumakalat na tsismis na muli raw siyang ikakasal ngayong Disyembre sa isang non-showbiz partner.
Sa ulat ni Ogie Diaz, sinabing nakatakda raw pakasalan ni Carla ang isang chief medical officer ng pribadong ospital sa Quezon City. Ngunit nang tanungin ang aktres, idinaan niya sa biro ang kanyang sagot.
“Kung totoo man ‘yun o hindi, that’s part of my private life. I invoke my right to self-incrimination — so I refuse to say yes, I refuse to say no,” ani Carla sa panayam.
Ayon pa sa ulat ng 24 Oras, mas gusto raw ni Carla na makarelasyon ang isang taong hindi taga-showbiz.
Matatandaang ikinasal si Carla sa aktor na si Tom Rodriguez noong 2021, ngunit naghiwalay sila makalipas lang ang ilang buwan. Na-finalize ang kanilang divorce noong 2022, at kinilala ito ng korte sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Tahimik man sa isyu, mukhang mas pinipili ngayon ni Carla na manatiling pribado ang kanyang buhay pag-ibig.