Site icon PULSE PH

Carla Abellana, Tinawag na “Queen of Call Out”!

Hindi ikinaiinis ni Kapuso actress Carla Abellana ang bansag sa kanya ng netizens bilang “Queen of Call Out.” Sa halip, natutuwa raw siya dahil nakikita niyang malikhain ang mga Pilipino sa pagbibigay ng mga palayaw online.

“Natatawa lang ako kasi sobrang creative ng mga Pilipino. Pero sa totoo lang, medyo flattered din ako,” ani Carla sa panayam niya sa Fast Talk with Boy Abunda.

Kilala si Carla sa paggamit ng social media para ipahayag ang kanyang hinaing sa mga isyung panlipunan — gaya ng mga reklamo sa billing discrepancies sa tubig at mahina o palyadong internet service. Para sa kanya, hindi ito tungkol sa pagpasikat kundi sa pagpapahayag ng saloobin ng karaniwang mamamayan.

“Tahimik lang talaga ako, pero kapag ako o ang iba ay apektado, hindi ko mapigilang mag-call out,” paliwanag niya. “Dahil sa frustration, nararamdaman kong oras na para gamitin ko ang boses ko.”

Aminado rin ang aktres na sanay na siya sa negatibong komento o bashers. “Part na ‘yun ng pagiging vocal. Hindi lahat sasang-ayon sa’yo, pero okay lang,” aniya.

Tinukoy din ni Carla ang mga isyung bumabagabag sa kanya, tulad ng korapsyon at maling paggamit ng buwis ng taumbayan. “Bilang taxpayer, nakakagalit makitang nasasayang ang pinaghirapan ng mga Pilipino. Dapat talaga may managot,” diin niya.

Bagama’t minsan na siyang natuksong pumasok sa politika, nilinaw ng aktres na hindi ito para sa kanya. “Nakakatukso, pero may konsensya ako. Ayokong pumasok sa politika para sa maling dahilan,” sabi niya.

Sa huli, ipinagdarasal ni Carla na magkaroon ng pananagutan at hustisya sa mga tiwaling opisyal:

“Ang dasal ko, sana managot ang mga dapat managot.”

Exit mobile version