Mukhang may bagong “happily ever after” na magaganap sa showbiz! Ayon kay veteran host at talent manager Ogie Diaz, nakatakdang ikasal si Carla Abellana sa kanyang non-showbiz partner bago matapos ang taon.
Sa pinakabagong episode ng Showbiz Update sa YouTube, ibinunyag ni Ogie na ayon sa kanyang source, ang mapapangasawa ni Carla ay isang chief medical officer ng pribadong ospital sa Quezon City. Dagdag pa niya, dati na raw naging magkaibigan at magkarelasyon ang dalawa noong high school pa lang.
“Guwapo raw ito in person, ha. At chinito!” pabirong sabi ni Ogie.
Noong Agosto, kinumpirma ni Carla na nakikipag-date na siyang muli. “I decided to try it… Yes, there’s a second date. We’ll see if there’s gonna be more,” sabi niya noon.
Matatandaang minsang ikinasal si Carla kay Tom Rodriguez, ngunit nauwi ito sa hiwalayan matapos lamang ang ilang buwan. Si Tom naman ay may anak na ngayon, si Korben, kasama rin ang kanyang non-showbiz partner.
Nilinaw ni Ogie na si Carla pa rin ang may karapatang magkumpirma o magbigay ng detalye tungkol sa umano’y nalalapit niyang kasal.