Hindi lang semento ang kayang paikutin ni Ricardo “Cardong Trumpo” Cadavero — pati ang kapalaran niya! Wagi ang 55-anyos na construction worker sa Pilipinas Got Talent Season 7 matapos makuha ang nakamamanghang 99.5% ng boto mula sa publiko at mga hurado.
Pinahanga ni Cardong Trumpo ang lahat sa kanyang pambihirang talento sa pag-ikot (trumpo-style) sa kanyang grand finale performance, na nagpa-“yes” agad kina FMG, Eugene Domingo, Kathryn Bernardo, at Donny Pangilinan. Bukod sa papuri, naiuwi rin niya ang P2 milyon na premyo.
Hindi makapaniwala si Cardong:
“Buong tao talaga ang nagbigay sa akin nito… 55 years old na ako at matagal ko ’tong inantay. Mababayaran ko na ang mga utang ko at makakapag-aral na ulit ang anak ko.”
Plano niyang ilipat ang pamilya sa mas ligtas na lugar at ipunin ang pera nang maayos:
“Iingatan ko ito habang buhay. Hindi masasayang ang biyaya.”
Mula sa semento, ngayon ay solid na ang kinabukasan ni Cardong Trumpo. Isa siyang patunay na hinding-hindi huli ang lahat sa mga may talento at pangarap.