Si Chelsea Manalo ng Bulacan ang kinoronahang Miss Universe Philippines (MUPH) 2024 sa live coronation night na ginanap sa Mall of Asia Arena noong Miyerkules, Mayo 22.
Natalo ni Manalo ang 52 iba pang kandidata sa kompetisyon upang palitan si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee.
Ang mga runners-up ay:
- 1st runner-up: Stacey Gabriel (Cainta)
- 2nd runner-up: Ma. Ahtisa Manalo (Quezon Province)
- 3rd runner-up: Tarah Valencia (Baguio)
- 4th runner-up: Christi Lynn McGarry (Taguig)
Bago ang coronation, inanunsyo ng mga organizer ng pageant na may apat pang koronang maaaring makuha bukod sa titulo ng MUPH. Ang apat na titulong ito ay: Miss Supranational Philippines, Miss Charm Philippines, Miss Eco International Philippines, at Miss Cosmo Philippines. Gayunpaman, magkakaroon ng hiwalay na coronation ceremony para sa mga titulong ito. Sa kasalukuyan, wala pang final details tungkol sa hiwalay na coronation ceremony na ito.
Ang edisyon ng 2024 ang kauna-unahang Miss Universe pageant na walang age restrictions para sa mga kandidata. Ang mga delegado ng MUPH ngayong taon ay pinili sa pamamagitan ng Accredited Partners Program.
Si Manalo ay kakatawan sa Pilipinas sa Miss Universe 2024 pageant sa Mexico. Makikipaglaban siya upang makamit ang ikalimang Miss Universe crown ng bansa.